Oda Ng Puta Sa Maynilang Limot
Marahil ngayong gabi muli,
maglalakad ako sa nagsasalitang
liwanag at dilim sa plaza ng Maynila
at bubuksan ang bintana ng aking tindahan.
Wala pa rin kayang magdadalawang-isip na bumili
ng lamang wala namang laman?
Oo. Isang kaputahan
ang ginawa ko, at ang ginagawa ko
dahil walang ibang nibel na naaangkop sa mga tulad kong
walang tatanggap kung hindi ipinagpipilitan at binibigay.
Wala akong kabayarang hinihingi
kundi ang magamit at malaspag sa kamay
ng hayok na kalungkutan,
lalamunin at ilulura
dahil iyon ang kapantay ko
at iyon ang nararapat sa akin.
At sa pag-gising ko sa umaga
(kung ako man ay makatulog)
ay mag-iiwan ako
ng piraso ng papel kung saan isusulat ko
ang isang pasasalamat
dahil sa ilang oras nagkaroon ako ng halaga,
limang daan, at kaunting baryang tip
(na hindi ko naman hiningi)
para sa lamang walang laman
ngunit mistulang nagkalaman ng ilang saglit.