Paminsan may mga gabi kung saan damang-dama mo ang mga Tanong
na umaaligid sa iyong likuran, animo'y mga mandarambong na handang hablutin at nakawin ang iyong mga mahahalagang dalahin.
Marahas nilang hihigitin ang iyong pitaka, at mabilis na tatakbo papalayo; hindi ka man lamang makasisigaw o makahihingi ng tulong.
(Kunsabagay, walang saysay ang manaklolo).
Maninigas ka sa iyong kinatatayuan, at lilipas ang ilang minuto; kapag nahimasmasan, iyong mapagtatanto na dala nila ang lahat ng iyong kailangan upang makauwi sa iyong
tahanan,
kaya't sisimulan mo na lamang maglakad, mamadaliin ang mga hakbang upang hindi na muling maabutan ng panibagong mga Tanong
na may dalang mga patalim, at sadyang walang awa.
-----
Minsan may mga gabi na hindi ka makatulog o makahiga ng tahimik dahil napakaingay sa loob ng iyong utak. Pilit mong kakalimutan ang iyong mga iniisip, ngunit habang pinipilit mong limutin ang mga iyon -- sa pamamagitan ng pagbabasa ng libro, pakikinig sa musika, pagsusulat, pagguguhit, pakikipagusap sa ibang tao -- talagang mananaog pa rin ang mga tanong na hindi mo naman nais tanungin. Mga kaisipang hindi mo naman nais isipin.